Photo-grabbed | Grace Estefano/FB

Ni Marie F. Fulgarinas

PUERTO PRINCESA CITY — Pinabulaanan ni Palawan Schools Division Superintendent Elsie T. Barrios na may kinalaman siya sa diumano’y nangyayaring extortion sa loob ng kaniyang taggapan maging sa buong hanay ng Department of Education (DepEd) Palawan.

Nitong araw ng Martes, Marso 12, matapang na hinarap ni Barrios ang mga paratang kaugnay sa isyu ng extortion sa loob ng kanilang opisina kung saan nadadawit ang pangalan ng opisyal.

Sa pagdinig ng Committee on Basic Education ng Sangguniang Panlalawigan na pinamumunuan ni Board Member Rafael Ortega Jr., humarap si Barrios kasama ang ilan pang kinatawan ng Provincial at Regional DepEd, maging ang guro na nagreklamo hinggil sa nasabing usapin.

Ayon kay Barrios, wala umano siyang kaugnayan sa naganap na transaksyon ng division office staff na nadadawit sa nabanggit na alegasyon.

Aniya, hindi rin umano direktang nagre-report sa kanyang opisina ang nadawit na kawani ng lokal na ahensya kung kaya mariing pinabulaanan ni Barrios na siya ang nag-utos sa paghingi nito ng pera kapalit ng paglipat ng assignment ng gurong nagrereklamo.

Samantala, hindi naman sumipot sa pagpupulong ng komite si Ginoong Jister Lunado, inirereklamong staff ng division office, dahil ayon kay Barrios may isinasagawang imbestigasyon ang Central Office kung saan nakasalang ang nasabing sangkot.

Ikinadismaya naman ito ng mga bokal dahil anila pagkakataon na umano nito na magpaliwanag at linisin ang kanyang pangalan sa nasabing paratang.

Inihayag naman ni Barrios na ito umano ang unang beses na may nagreklamo kaugnay sa nasabing extortion.

Binanggit naman ni Board Member Ryan D. Maminta na matagal na umanong isyu ang tinatawag nilang ‘thank you system’ o pasasalamat fee’ kung saan laganap umano ito sa Palawan batay na rin sa mga sumbong ng mga guro.

Ipinaalala naman ni Maminta kay Barrios ang kanilang naging pag-uusap noong nakaraang taon hinggil sa usapin.

Bilang tugon sa nasabing usapin noong nakaraang taon, naglabas ng memorandum ang tanggapan ng Schools Division na naglalaman ng paalala na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbabayad ng malaking halaga kapalit ng kahilingan ng pagpapalipat ng assignment.

Hinihikayat naman ni Board Member Rafael Ortega Jr. ang iba pang mga biktima na magsalita upang mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa anumang anomalya sa loob ng hanay ng Department of Education Palawan.

Sa ngayon, nirerespeto ng Kagawaran ng Edukasyon ang isinasagawang inquiry proceedings ng Central Office kaugnay sa usapin ng korapsyon, extortion, at iba pa.

via

Photo-grabbed: Facebook/Grace Estefano

Authors