PHOTO | DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS

Ni Clea Faye G. Cahayag

BAHAGYANG mataas ng naitatalang rejection rate ng Department of Foreign Affairs (DFA) Consular Office Puerto Princesa City kaugnay sa mga nag-aaplay ng pasaporte sa lungsod at lalawigan.

Ilan lamang sa mga kadahilan nito ay ang maling mga requirements o ‘di kaya ay malabo o hindi mabasang mga impormasyon na nakalagay sa mga dokumentong kinakailangan para sa aplikasyon ng pasaporte.

Ayon kay Carolina Constantino, hepe ng lokal na ahensya, kinumpirma nitong umaabot sa 25% hanggang 35% ang naitatala na rejection rate ng kanilang tanggapan araw-araw.

“However, in cases like that rejection means hindi niyo lang maitutuloy sa araw na ‘yun but you’re given 30 days to come back and complete your requirements and most of them ay nakakabalik naman,” paliwanag nito sa lokal na midya sa ginanap sa Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)- Palawan.

Binigyang-diin naman nito na karamihan sa mga aplikante ay pinipiling mag-aplay online ng kanilang pasaporte, na ayon sa mga aplikante mas madaling sistema para makakuha ng naturang dokumento.

“Highlight ko lang po ‘yung appointment system — almost all our applicants ay nag -a-avail po ng online appointment system natin kasi nakikita naman ho nila na hindi kailangan maghintay ng matagal, usually one to two weeks lang.”

“And they do realize its a very systematic and effective way of seeking passport because sila mismo ang naglalagay ng mismong data nila sa application and then pagdating nila sa opisina namin its just a matter of double checking the data they put into their application and then tuloy na ho ‘yun sila sa encoding kasi ‘yung appointment system kasama na po [roon] ‘yung pagbayad so wala na rin silang problema na pupunta pa sila sa cashier so they keep that step as well,” dagdag pa nito.

Dahil dito, hinikayat din nito ang iba pang mga nagnanais na kumuha ng pasaporte na tangkilikin maging ang kanilang online appointment system.

Nagpaalala rin si Constantino sa mga minor applicants na mayroong karagdagang requirements gaya ng marriage certificate ng mga magulang, gayundin sa mga nawawalang pasaporte kailangan naman ang police clearance at affidavit of loss.

“So, nagpapasalamat po kami [roon at hinihiling namin na ang iba pang nangangailangan ng pasaporte pakibanggit lang na napakadali lang po ng appointment system,” ayon pa sa hepe.

Samantala, gaya ng iba pang mga establisyimento patuloy rin ang kanilang pagbibigay ng courtesy lane services para sa mga aplikante na senior citizens, pregnant, person with disability (PWDs) at iba pa.