PUERTO PRINCESA CITY – Dahil sa sunud-sunod na ulat ng panghaharang at pangha-harass ng mga barko ng bansang Tsina sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, nagsagawa ng Bilateral Consultation Mechanism hinggil sa West Philippine Sea (WPS), dating South China Sea (SCS), ang dalawang bansa nitong Miyerkules Enero 17, 2024, sa Shanghai, China.

Matatandaang napag-usapan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping sa San Francisco, bansang Estados Unidos, noong nakaraang Nobyembre 2023, na magkakaroon ng maaayos na pamamahala sa lugar at mabawasan ang mga nangyayaring tensyon sa nasabing karagatan.

Ayon sa pahayag ng Presidential Communication Office, nagkaroon umano ng tapat at produktibong talakayan sa pagitan nina Philippine Foreign Affairs Undersecretary Ma. Theresa P. Lazaro at Chinese Assistant Foreign Minister Nong Rong, kung saan napagkasunduan ng dalawang panig ang tuluy-tuloy na pag-uusap sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa karagatan.

Iniharap din ng magkabilang panig ang kani-kanilang posisyon sa Ayungin Shoal at tiniyak sa isa’t isa ang kanilang mutual commitment upang maiwasan ang paglala ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Mahalaga rin umano ang nasabing talakayan upang magkasundo ang magkabilang panig na mahinahong harapin ang mga insidente, kung mayroon man, sa pamamagitan ng diplomasya.

Sa huli, nagkasundo ang Pilipinas at China na pahusayin ang maritime communication mechanism sa nasabing karagatan kabilang dito ang komunikasyon sa pagitan ng mga foreign ministries at mga coast guard ng dalawang bansa.

Samantala, nagkasundo naman ang Pilipinas at China na simulan ang mga pag-uusap tungkol sa posibleng pagpapalitan ng akademiko sa marine scientific research sa pagitan ng Filipino at Chinese scientists.