PUERTO PRINCESA CITY — Iba’t ibang mga kawani mula sa mga ahensya ng gobyerno ang nagsanay ukol sa cyber security na ginanap sa Aziza Paradise Hotel, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong araw ng Martes, Setyembre 3.
Ito ay pinangunahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) MIMAROPA na naglalayong bigyan ng kahandaan ang mga kawani at sangay ng gobyerno sakali mang magkaroon ng cyber-attack. Naglalayon din palakasin ang kanilang mga kasanayan sa cybersecurity at mga kakayahan sa pagtugon sa mga bantang dulot ng cybercriminal.
Ang platform ng Cyber Range ay napatunayang isang kinakailangang kagamitan para sa pagpapahusay ng kahandaan sa cybersecurity ng mga manggagawa at pagprotekta sa mga asset ng gobyerno.
Ayon sa ahensya, nakatutulong din ang nasabing pagsasanay na mabawasan ang mga panganib ng mga paglabag at protektahan ang sensitibong impormasyon ng mga ahensiya ng gobyerno.
Matatandaan, nitong mga nakalipas na taon, naging biktima ng mga cybercriminal ang ilang ahensya ng gobyerno na kung saan nalagay sa kritikal na serbisyo, pagkakompromiso ng mga sensitibong datos, at nakapinsala sa tiwala ng publiko.
Samantala, nagpapasalamat naman ang pamunuan ng DICT 4B sa mga aktibong lumahok sa nasabing pagsasanay.