Ni Marie Fulgarinas
PALAWAN, Philippines — Nilagdaan nina Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron at Department of Interior and Local Government MIMAROPA Director Karl Caesar R. Rimando nitong araw ng Miyekoles, Hulyo 3, ang isang kasunduan o Memoramdum of Agreement kung saan binibigyang kapangyarihan ang kagarawan na magkaroon ng sariling lote mula sa pagmamay-ari ng Pamahalaang Panlungsod bilang pagtatayuan ng opisina ng City at Provincial DILG.
Batay sa ulat ng City Information Office, ang lote ay may sukat na 500 metro kuwadrado na matatagpuan sa pagitan ng Bureau of Customs at Boys Scout of the Philippines sa Barangay Sta. Monica.
Sa nasabing lugar, itatayo ang magiging gusali ng DILG Local Government Operations Center.
Ayon pa sa ulat, kasama sa plano ng gusali ang pagkakaroon ng sariling dormitoryo na magsisilbing tuluyan ng mga panauhin ng ahensya.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si City DILG Director Eufracio N. Forones Jr. dahil ang nasabing kasunduan ay magsisilbing pangunahing requirement upang pormal nang mapaglaanan ng pondo ng central office ang planong pagtatayo ng kanilang opisina.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Palawan DILG Director Virgilio L. Tagle na kung saan sinabi nito na ang magiging gusali ay magagamit hindi lang ng kasalukuyang henerasyon bagkus ng darating pang henerasyon.
“Hindi kayang sabihin ng salita ang pasasalamat ng DILG sa ibinigay na lote ng Pamahalaang Panlungsod. Kapag nagkaroon na ng sariling gusali, magkakasama-sama na ang pamilya ng DILG sa iisang bubong” ito naman ang tinuran ni DILG Regional Director Karl Rimando.