Photo courtesy | DSWD

PUERTO PRINCESA — Nagpapatuloy pa rin sa paghahatid ng mga family food packs ang Department of Social Welfare and Development o DSWD kahit holiday season upang matiyak na agad matugunan ang mga pangangailangan ng mga pamilya at indibidwal na apektado ng mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Assistant Secretary for Disaster Response Management Group at DSWD Spokesperson Irene Dumlao, wala umanong tigil ang kanilang ahensya sa pagpapadala ng mga food packs sa buong Rehiyon ng Bicol na pinakamalubhang naapektuhan ng bagyong Kristine na kung saan ay umabot sa kabuuang 725,882 pamilya ang apektado o mahigit tatlong milyong mga indibidwal.

“We are grateful to the Singapore Air Force (SAF) for providing us helicopters for the delivery of FFPs to our kababayans in the Bicol Region this Friday,” ani Dumlao.

Ayon pa sa Kagawaran, naghatid din ang DSWD Field Office ng 1,000 family food packs sa mga apektadong mamamayan ng bayan ng Calayan sa Cagayan Valley Region nitong araw ng Biyernes, Nobyembre 1, bilang augmentation support sa local government unit ng nabanggit na bayan.

Nagkaloob din ng psychological counseling ang mga social workers ng DSWD Field Office 2-Cagayan Valley sa mga residente ng lalawigan ng Batanes upang matulungan silang makayanan ang epekto ng Super Typhoon Leon.

Samantala, pinangunahan naman ni DSWD Field Office 5-Bicol Regional Director Norman Laurio ang paghahatid ng mga FFP sa mga pamilya at indibidwal na nasalanta ng Kristine sa Barangay Sumaoy sa bayan ng Garchitorena, Camarines Sur.

Patuloy ang pagbibigay ng panlipunang proteksyon sa mga mahihirap, mahihina, at disadvantaged sector ang ahensya ng DSWD.

Nagkakaloob din ang ahensya ng augmentation fund sa mga local government unit’s para maihatid nito ang mga serbisyo ng Kagawaran sa mga depressed municipalities at barangay at makapagbigay ng mga serbisyong proteksyon para sa mga indibidwal, pamilya at komunidad na nasa gitna ng krisis.