PHOTO | REPETEK NEWS TEAM

Ni Clea Faye G. Cahayag

PATULOY na ipapatupad ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) ang implementasyong disconnection policy sa mga konsumer ng patubig na hindi nakababayad ng isang (1) buwan o higit pa.

Ayon sa kanilang General Manager na si Walter Laurel, naghigpit ang kanilang tanggapan sa naturang polisiya nitong buwan lamang ng Hulyo dahil lumalaki ang account receivable sa mga active connections na nangangahulugan na mayroong problema sa implementasyon ng disconnection policy.

Nilinaw nito na ang orihinal na polisiya ay puputulan ng linya ng tubig ang mga konsumidores na hindi nakapagbayad ng kanilang bayarin sa loob ng isang buwan ngunit ito ay hindi nasusunod dahil na rin sa pagbibigay ng konsiderasyon ng pamunuan partikular na doon sa mga nakakapagkonsumo lamang ng minimum rate.

“Naging mabait si Water District kahit nasa policy is one month ‘pag ‘di mo nabayaran puputulan ka na, out of consideration ginawa naming two months, and then mabait din siguro ang ating mga disconnector, [nadadaan sa] paki-usap hanggang sa umabot ng tatlo [hanggang] apat na buwan [ang bayarin],” ani Laurel.

Binigyang-diin pa ni Laurel na iyong may mga arrears lamang ng tatlong buwan o higit pa ang kanilang pinuputulan ng linya ng tubig.

“[Pero nitong] July naghigpit kami na dapat lahat ng more than three months uubusin muna so naubos naman ‘yun. Ngayon ‘yung two months hindi pa rin talaga [pinuputol] kasi parang inconsiderate na kung minimum ka lang tapos P240 lang ang two months, puputulan mo na kaagad. Minsan ‘di pa rin natin ini-exercise ang sobrang higpit, binabalanse pa rin natin ang pangangailangan ng ating mga kababayan lalo na pagdating sa bayarin sa tubig, so ‘yung more than three months lang ang pinutol natin lahat. ‘Yung two months hindi pa rin namin naaabot yun,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa opisyal, kanila rin naobserbahan na kapag ang balanse ng isang konsumidores ay maliit pa lamang mataas ang tiyansa na ito ay magpa-reconnect samantala kapag lumaki na ang bayarin nito mas pipiliin nito na ipaputol na lamang ang linya ng tubig at muling magpapakabit gamit ang pangalan ng kamag-anak na kasamang nakatira sa iisang bahay.

Ani pa Laurel, ang ganitong estratehiya ay kanila ring mino-monitor.

“Marami ang nakakalusot pero binabantayan namin ‘yun dahil magpapalit lang ng pangalan o magpapa-extend ng tubig sa kabilang bahay. As much as possible, business wise mas maganda kung putulin mo na mas maliit palang ang bill dahil mataas ang chance na magpapa-reconnect siya. May mga statistics kami tungkol sa mga bagay na ‘yan dahil binabantayan din namin ang behavior ng isang consumer,” aniya pa.