PUERTO PRINCESA CITY — Nakapagtala ng bagong kaso ng monkeypox o mpox ang bansang Pilipinas nitong nakalipas na Linggo, Agosto 18, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon sa Kagawaran, ito na umano ang ikasampung naitalang kaso ng pasyenteng mayroong mpox sa bansa matapos ang isinagawang mahigpit na pagbabantay bunsod ng kamakailang deklarasyon ng World Health Organization ng mpox bilang Public Health Emergency of International Concern (PHEIC).
Ang naturang kaso ay naitala sa isang ospital ng gobyerno, kung saan ang mga specimen ng isang 33 taong gulang na lalaking Pilipino na kinolekta mula sa kanyang mga sugat sa balat at sinuri sa pamamagitan ng real-time polymerase chain reaction (PCR) test.
Ayon pa sa DOH, ang nasabing pasyente ay hindi umano lumabas ng Pilipinas ngunit nagkaroon ito ng intimate contact tatlong linggo bago lumabas ang sintomas ng naturang sakit gaya nang lagnat, kakaibang pantal sa mukha, likod, batok, singit, gayundin sa mga palad at talampakan.
Bago pa man ito, una nang nakapagtala ang DOH ng huling kaso nito noong Disyembre 2023 na kung saan lahat ng mga naunang kaso ay na-isolate, inalagaan, at mula noon ay naka-recover na.
Pinapaalalahanan din ang mga dermatologist at iba pang mga manggagamot na mayroong hinala tungkol sa kanilang pasyente na itala ang pangalan at impormasyon sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga pasyente, at gabayan sila sa pinakamalapit na pangunahing ospital.
Ina-update rin ng DOH ang mga alituntunin sa mpox upang bigyang-daan ang maginhawa at marangal na pamamaraang ito upang ang mga taong may potensyal na kaso ay mahikayat na magpakonsulta at magpasuri.
Ang mga karaniwang sintomas ng mpox ay isang pantal sa balat o mucosal lesions na maaaring tumagal ng 2 linggo hanggang 4 na linggo. Ang mga pantal ay may kasamang lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, at namamaga na mga lymph node.
Kahit sino ay maaaring makakuha nito; ito ay maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng malapitan, matalik na pakikipag-ugnayan sa isang taong nakakahawa, mga kontaminadong materyales tulad ng mga ginamit na damit o kagamitan, o sa mga nahawaang hayop.
Maaaring patayin ng sabon at tubig ang virus. Kapag naghuhugas ng mga kontaminadong materyales, gumamit lamang ng guwantes.
Ilan sa mga kasama sa listahan na mga ospital na pupwedeng puntahan ng may kahalintulad na kaso ay kinabibilangan ng Research Institute for Tropical Medicine, San Lazaro Hospital, East Avenue Medical Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Quirino Memorial Medical Center, at UP-Philippine General Hospital, at iba pa.
“We can avoid mpox. Mpox is transmitted through close, intimate contact, and also the material used by people who have mpox. Keeping our hands clean with soap and water, or with alcohol-based sanitizers will help. DOH will make the testing process as convenient as possible, so that the suspect cases may be identified fast and allowed to stay at home,” ani Secretary Teodoro J. Herbosa” Our health system is working. We can handle the situation, and will keep the public well-informed,” pagtitiyak ng Health Chief.