PUERTO PRINCESA CITY – Sa ginanap na regular na sesyon ngayong araw ng Martes, Abril 30, humarap sa plenaryo si Provincial Human Resource Management Officer (PHRMO) Rolando B. Buñi upang opisyal nang ipakilala si Dr. Darius P. Mangcucang bilang bagong uupong full-fledged Department Head ng Palawan Provincial Veterinary Office.
Nanungkulan si Mangcucang bilang Officer-in-Charge (OIC) ng ProVet ng ilang taon bago tuluyang mailagay sa naturang posisyon.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Mangcucang sa harap ng mga bokal ang ukol sa mga pangunahing ginagampanan ng kanilang tanggapan pagdating sa livestock, pati na rin ang mga programa at inisyatibo na patuloy nilang isinusulong upang mas mapabuti ang mga ito.
Ibinida rin ng opisyal ang pagiging negatibo ng lalawigan sa kaso ng African Swine Fever (ASF), Avian Influenza, Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD), at iba na kung saan ay nasa ilalim pa rin ng ‘green zone’ ang Palawan.
Samantala, nangako rin ito na mas lalo pang tututukan ang iba pang mga programa ng kanilang tanggapan partikular ang ‘Rabies Eradication Program’ upang maideklara ang lalawigan bilang Rabies Free Province.