PALAWAN, Philippines — INANUNSYO ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na dito gaganapin sa lungsod ang Dragon Boat World Championship nitong araw ng Lunes, Marso 11, 2024.
Ayon kay Bayron, dumating sa siyudad si Thomas Konietzko, Presidente ng International Canoe Federation (ICF), kasama ang iba pang miyembro ng pederasyon upang inspeksyunin ang lugar kung saan posibleng isagawa ang naturang patimpalak. Masayang ibinalita ng alkalde na ang Puerto Princesa ay pumasa sa kanilang pamantayan.
Aniya, sa buwan ng Oktubre gaganapin ang Dragon Boat World Championship.
“Last week, dumating dito ang International Canoe Federation President- German siya may kasama siya isang parang member ng board na parang German din. ‘Yung presidente ay si Konietzko ang apelyido tapos kasama ‘yung Chairman ng Hongkong Dragon Boat Federation.
May mga kasama sila na nag-evaluate ng site natin kung uubra ba tayo roon sa world championship at nasama ito sa good news — alam na niyo ang sagot, “done deal na”.
Dito gaganapin yung World Championship sa October at early November. Marami tayong trabaho — nakakanerbiyos din kasi first time tayo magho-host ng ganito kalaki na international event,” pahayag ng Alkalde.