Ni Marie Fulgarinas
PALAWAN, Philippines — Huli sa akto ang tatlong kalalakihan nitong madaling araw ng Martes, Hunyo 25, makaraang salakayin ng mga awtoridad ang diumano’y drug den o pinamumugaran ng mga gumagamit ng pinaghihinalaang shabu sa Purok Uno, Barangay Masipag, nabanggit na lungsod.
Sa ikinasang joint operation ng PDEA Palawan at City Police Office, arestado sina Ramil Batun Galang alyas Ramil na itinuturing na Drug den maintainer at may-ari ng bahay-pugaran, Manongol Ponce De Leon, residente ng Bgy. San Manuel, at Edwin Valdez na tumanggi namang magbigay ng kaniyang personal na detalye.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na sachet ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang bigat na 19.54 grams at street value na humigit-kumulang P133,000.00.
Nakuha rin sa pangangalaga ng mga ito ang iba’t ibang uri ng paraphernalia at isang bank passbook.
Sa ngayon, nahaharap sa kasong paglabag sa Sec 6, 7, 11 at 12 ng Article II ng Batas Republika 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.