Ni Marie Fulgarinas
Sa bisa ng search warrant, ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang joint operation sa diumano’y drug den sa temporary shelter ng Pamahalaang Panlungsod sa Bgy. San Pedro nitong ala-una y midya nang madaling araw, Biyernes, Agosto 2, kung saan arestado ang walong katao na sangkot umano sa iligal na droga.
Sa ulat ng City Police Office, arestado sa Block No. 4, House No. 32 sina Roger Flores alias “Kibor”, 46-anyos, residente ng temporary shelter; Cris Dayap, 30-anyos, residente rin ng nasabing pabahay; Babyfin Toca Constantino, 31-anyos, single, residente ng Purok Maharlika, Bgy. San Manuel; at Charlene Pomar Baillo, 32-anyos, overseas foreign worker, na residente naman ng Bgy. Mangingisda, sa nabanggit na lungsod.
Samantala, naaresto naman sa Block 2, House No. 25 ang kilalang Drug den maintainer na si Roldan Pueson alyas “Dax”; Jamil Mauricio, visitor, 27-anyos, residente ng Abueg Road, Brgy. Bancao-Bancao; Ferlyn Gabriel, 22-anyos, residente ng Brgy. Caruray, bayan ng San Vicente, Palawan; at Diane Bragais, visitor, 33-anyos, residente ng Golden Valley, Brgy. Sicsican.
Ayon sa mga awtoridad, sangkot ang mga naarestong suspek sa paglipana ng mga ipinagbabawal na gamot o illegal drugs sa Lungsod ng Puerto Princesa.