Photo courtesy | PPO-Palawan

NASAMSAM ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PPO) ang kabuuang 32.84 na gramo ng shabu na may street value na P196,720.00 mula sa pinagsama-samang ebidensya na nakuha sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Roxas.

Batay sa impormasyon ng awtoridad, naaresto ang drug suspek matapos mabilihan ng isang pulis na nagpanggap na poseur buyer ng isang pakete ng pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng higit-kumulang 4.97 gramo na nagkakahalaga ng P29,500.00.

Ang pagkakatimbog sa nasabing drug personality ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng iba pang sumusunod na mga ebidensya: mga ginamit na buy-bust money; isang motorsiklo na Honda TMX 125; isang piraso ng jasmine aluminum foil; isang piraso ng karton na kahon (parcel box); isang pirasong transparent na plastik; isang pirasong brown paper bag; isang pirasong mailing envelope; isang pakete ng pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng higit-kumulang 25.02 gramo na may street value na P150,120.00.

Kabilang din sa nakuha mula sa pangangalaga ng naarestong inidibidwal ang isang pakete ng 2.85 na gramo ng pinaniniwalaang shabu na may street value na P17,100.00.

Sa kabuuan, nakumpiska ang tinatayang nasa kabuuang 32.84 na gramo ng droga na may street value na P196,720.00.

Kasabay ng pagdiriwang ng araw ng mga puso, natiklo ang drug suspek sa pamamagitan ng pinagsamang pwersa ng Roxas Municipal Police Station (MPS) MDET, Palawan PDEU, PDEG, PNP EOD K9, Palawan PIU, PDEA, Palawan SOU, at PDEA Palawan PPO. | via Samuel Macmac

Author