FILE PHOTO via Noel Celis/AFP/Getty Images
Inanunsyo ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia na magkakaroon ng ‘early voting hours’ sa 2025 National and Local Elections.
Aniya, sa araw ng eleksyon, ang mga nakatatanda, mga taong may kapansanan at mga buntis, ay eksklusibong makaboboto simula alas singko ng umaga (5:00 AM) hanggang alas siyete ng umaga (7:00 AM).
“Sa mga nakatatanda natin, sa may mga kapansanan, sa mga nagdadalang-tao sa araw ng eleksyon sa 2025 — lahat sila ay pabobotohin natin ng alas singko ng umaga hanggang alas siyete— exclusive sa kanila,” ayon kay Chairman Garcia.
Layunin nito na hindi na mahirapan sa pagpila ng matagal at mababad sa ilalim ng tirik na araw ang mga itinuturing na ‘vulnerable sector’.
“Yun po ay para hindi sila kasabay ng karamihan.Sinigurado po natin ‘yan upang ang lahat lalong-lalo na po ang nakatatanda ay maging kaaya-aya ang pagboto nila na hindi sila nagdadalawang-isip na pumunta pa sa mga presinto,” ayon pa opisyal.
Dagdag pa rito, sinabi rin ni Garcia na kaakibat ng pangalan ng mga botante na nakapaskil sa bawat presinto ay lalagyan na rin ito ng kani-kanilang mga larawan.
“Para sa darating na election yung lahat ng pangalan ng mga botante sa labas ng presinto may kasama ng pictures colored,” aniya pa.
Ayon kay Garcia, napansin ng Comelec nitong mga nakalipas na botohan unang tinitignan ng mga botante ang kanilang mga picture, sunod na lamang ang pangalan.
Sa pamamagitan nito, mas mapapadali at mapapabilis ang paghahanap ng mga botante sa kanilang presinto.
“Mas madaling maghanap lalo na ang mga nakatatanda kung may pictures sa labas ng presinto na colored picture, maganda po ‘yun.
‘Yun ang style na gagawin natin sa buong Pilipinas para hindi mahirapan ang lahat ng naghahanap ng kanilang mga pangalan sa mga presinto kung saan sila boboto,” pahayag pa nito.