Inaprubahan na ng City Council ang panukalang pondo na ₱5.8 bilyon ng lungsod ng Puerto Princesa para sa taong 2025.
Sa panayam kay City Councilor Jonjie Rodriguez, chairperson ng Committee on Appropriations, mas malaki ng ₱800 milyon ang pondo para sa susunod na taon kung ikukumpara sa ₱5 bilyon na 2024 annual budget ng siyudad.
Ang mahigit limang bilyong pondo ay hahatiin sa iba’t ibang sektor na binubuo ng social, economic at personnel. Ayon kay Rodriguez, malaking porsiyento ng pondo para sa taong 2025 ay mapupunta sa economic sector.
“Ang pinakamalaking nakuhang porsiyento ay doon sa economic sector dahil under doon ay yung [City] Engineering at [City] Agriculture. Pangalawa yung sa social sector; City Health [Office] at City Social Welfare and Development (CSWD).
Karamihan pa rin diyan ng pondo ay napunta sa 20% development fund dahil doon napapaloob ang mga infrastructure project ng city government at [mayroon] din tayong tinatawag na other development project na kung saan nandoon din ‘yung infrastructure projects na hindi kasama sa ating 20% [development fund],” ang naging pahayag ng Konsehal nang kapanayamin ng midya.
Sa ilalim naman ng social sector, malaking porsiyento nito ay mapupunta sa allowances ng mga senior citizens, person with disabilities, solo parent at iba pang mga programa ng CSWD.
Kasama rin dito ang allowances na ibinibigay sa mga health workers ng lungsod.
“Approved na sa council, nagkaroon na kami ng budget hearing nakaraang Linggo. Naipatawag na natin ang mga concerned offices,” pahayag pa ng Konsehal.
Paliwanag pa ni Rodriguez sa kabila ng malaking pondo ay kinakailangan pa rin minsan mangutang ng lokal na pamahalaan para matugunan ang mga panukalang proyekto ng bawat barangay.