REPETEK File Photo
PUERTO PRINCESA CITY – Sa latest Facebook post ni Board Member Ariston “Mr. Agri” Arzaga, ibinahagi ng bokal na unti-unti nang nararamdaman sa lalawigan ng Palawan ang El Niño phenomenon.
Sa kaniyang pag-iikot sa bayan ng Narra, Palawan, upang alamin ang kalagayan ng mga magsasakang Palaweño, ibinahagi ng bokal na malakas pa rin ang suplay ng tubig sa mga irrigation canal ng National Irrigation Administration (NIA) mula sa irigasyon ng Barangay Malatgao.
Ani Arzaga, patuloy ang serbisyo ng irigasyon ng Malatgao sa mga palayan ng bayan ng Narra sa mga Barangay na kinabibilangan ng Dumangueña, Estrella Village, Malatgao, Elvita, Bagong Sikat, Sandoval, Taritien; habang patuloy rin ang pagdaloy ng tubig sa Bgy. Jose Rizal at Apo-aporawan sa bayan ng Aborlan, Palawan.
Ayon pa sa bokal, malaki ang naitutulong ng irigasyon sa mga magsasaka sa lugar.
Kaugnay rito, pinaghahandaan na rin ng Pamahalaang Panlalawigan ang posibleng pagtama ng El Niño batay sa special council meeting ng mga opisyal ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO) nitong Enero 16.
Sa pagpupulong, inilatag ang mga gagawing solusyon ng Provincial Government sakaling maranasan ang kakulangan sa suplay ng tubig partikular sa mga kabahayan at sakahan sa lalawigan.
Naroon sa pagpupulong ang ilang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan kabilang ang PDRRMO, Provincial Agriculture’s Office, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) maging ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Si Palawan Second District Board Member Ryan Maminta na siya ring Chairman ng Committee on Disaster Management ng Sangguniang Panlalawigan ang naging kinatawan ni Governor Victorino Dennis M. Socrates sa nasabing pagpupulong.
Samantala, nagpapasalamat naman si Board Member Ariston Arzaga kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.,at sa pamunuan ng NIA Palawan.