Photo | DSWD Field MIMAROPA

PALAWAN, Philippines — Nilahukan ng mga delegasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA ang selebrasyon ng Elderly Filipino Week (EFW) na ginanap nitong ika-1 ng Oktubre 2023 sa Liwasang Mendoza ng Lungsod ng Puerto Princesa.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, namahagi ang ahensya ng mga hygiene kits para sa mga Persons Deprived of Liberties (PDLs) partikular ang senior citizens sa Puerto Princesa City District Jail at Provincial Jail Management Division.

Ang nasabing kaganapan ay may temang “Pagpaparangal sa Mahalagang Pamana ng Senior Citizen”. Ito ay nagbibigay-diin sa mga kwento at kontribusyon ng ating mga senior citizen sa pag-unlad ng ating bansa.

Ang Elderly Filipino Week ay ginugunita tuwing Oktubre 1 hanggang 7 sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 470 na inilabas noong Setyembre 26, taong 1994, nang dating Presidente na si Fidel V. Ramos.

Itinatag ng proklamasyon ang obligasyon ng Executive Department of Social Welfare and Development na layon ay ipatupad ang isang social welfare program na sumusuporta sa kapakanan ng mga matatanda. Kaugnay rito, ang mga Pilipino ay nagbibigay ng mataas na kahalagahan sa kultura sa paraang pagpapakita ng paggalang sa mga nakatatanda sa lipunan.