Photo courtesy | PNP MIMAROPA

PATULOY na pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) MIMAROPA ang seguridad sa buong rehiyon para sa ipinapatupad na zero election-related incidents upang masiguro ang mapayapa at maayos na darating na halalan.

Ayon kay Police Brigadier Roger L. Quesada, Regional Director, wala pa rin naitatalang insidente na kaugnay sa halalan ang rehiyon mula nang magsimula ang election period noong ika-10 ng Enero, taong kasalukuyan.

Base sa kumpirmasyon ng PNP MIMAROPA Regional Election Monitoring Action Center (REMAC), nananatiling zero o wala pang naitatatala na pinaghihinalaan o kumpirmadong insidente na kaugnay sa halalan batay sa kanilang pinakahuling ulat.

Ipinagmamalaki naman ng kapulisan ang patuloy na pagpapaigting sa isinasagawang mga hakbang para mapanatili ang seguridad sa panahon ng halalan tulad ng pag-deploy ng 9,959 Commission on Elections (COMELEC) checkpoints sa buong rehiyon, na matagumpay na napigilan ang malalaking kaguluhan na may kaugnayan sa halalan.

Sa mahigpit na pagpapatupad naman ng COMELEC gun ban, naaresto ang apat na indibidwal na lumabag dito.

Ito ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga awtoridad ng dalawang maliliit na baril, walong bala, at anim na iba pang ipinagbabawal na armas, kabilang ang mga replica, improvised na armas, at bladed na mga instrumento.

Dahil dito, kinasuhan ang mga lumabag sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10728, na nag-uutos sa pagbabawal ng mga baril at iba pang nakamamatay na armas sa panahon ng halalan.

Matatandaan, nagsilbing inspirasyon ni PBGen Quesada ang 2022 National and Local Elections (NLE) sa rehiyon na kung saan walang naiulat na election-related incidents kaya’t ipinangako ng opisyal na pananatilihin ang hangaring ito sa 2025 NLE.

Author