Photo courtsey | ELAC/Google Map
MIMAROPA, Philippines — Ikinababahala ngayon ng pamunuan ng Environmental Legal Assistance Center, Inc. (ELAC) ang ilang mga reclamation projects sa bayan ng Coron, Palawan at lungsod ng Puerto Princesa matapos kumpirmahin sa pagdinig ng Senado nitong nakaraang Setyembre.
Inihayag ng pamunuan na tinatayang nasa dalawampu’t dalawang (22) ektaryang reclamation project sa Coron Island habang sampung (10) ektarya naman ang sakop ng reklamasyon sa Bgy. Maningingisda ng lungsod.
Ang reklamasyon ay “illegal and unauthorized” na isa umanong direktang paglabag sa mga alituntunin ng batas gaya ng kakulangan ng mga legal na dokumentasyon mula sa mga ahensya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Reclamation Authority (PRA), at Palawan Council for Sustainable Development (PCSD).
Dagdag ng pamunuan, wala rin daw umano itong Environment Impact Assessment (EIA) o pagsusuri sa posibleng masamang epekto nito sa kalikasan. Binigyang-diin din ng grupo na nararapat na maging bukas o transparent sa publiko ang lokal na pamahalaan o mga kumpanyang nasa likod ng reklamasyon at magkaroon ng tamang paglatag ng mga impormasyon hinggil sa magiging epekto nito sa kabuhayan ng mga naninirahan sa lugar at iba pa.
Ayon pa sa pamunuan, perwisyo rin umano ito sa mga mangingisda dulot ng mga panambak.
Samantala, adbokasiya ng ELAC na protektahan at igiit ang mga karapatang pangkalikasan, at pantay na pag-access at pagkontrol sa paggamit ng likas na yaman ng mga komunidad sa pamamagitan ng epektibong legal na tulong sa pag-unlad, pamamahala ng mapagkukunan na nakabatay sa komunidad at adbokasiya.