Ni Clea Faye G. Cahayag
NANANAWAGAN si City Police Director P/Col. Ronie Bacuel sa mga nagmamay-ari ng baril sa lungsod ng Puerto Princesa na mayroong expired na lisensya na pansamantala muna itong isurender sa kanilang himpilan habang inaasikaso pa ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
“’Yung mga kababayan po natin d’yan na hindi pa naasikaso ‘yung LTOPF o nag-renew ng baril, ini-encourage po namin sila na pansamantala po munang i-safe keeping sa police station habang inaasikaso po nila ang kanilang lisensya,” panawagan ng opisyal.
Ani Bacuel ito ay alinsunod sa Oplan Katok, isa sa mga programa ng Philippine National Police (PNP) kung saan binibisita ng kapulisan ang mga gun owner na expired na ang lisensya.
Binigyang-diin nito na ito ay mandato sa mga kapulisan para maiwasan na ito ay magamit sa iligal na gawain.
“’Yun po ang mandato na binigay sa amin ng national headquarters para maiwasan din po natin na baka magamit pa sa hindi kanais-nais [na gawain],” dagdag pa nito.
Itinuturing naman na paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kung sakaling piliin ng nagmamay-ari ng baril na manatili sa kanyang pag-iingat ang baril na expired na ang lisensya.