Photo Courtesy | Sangguniang Panlungsod
PUERTO PRINCESA CITY – Nagcourtesy call ngayong araw ng Lunes, ika-29 ng Enero sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ang bagong talagang hepe ng Bureau of Fire Protection-Puerto Princesa City Fire Station sa katauhan ni Fire Chief Inspector (FCINSP) Reynaldo A. Delos Santos.
Siya ang pumalit kay dating Fire Superintendent Nilo Caabay Jr., na ngayon ay itinalaga na bilang Provincial Fire Marshal ng BFP-Palawan.
Bago ang kanyang tungkulin sa lungsod, nauna itong nanilbihan bilang hepe ng Financial Management Division ng BFP Mimaropa. Dalawampu’t limang taon na rin ito sa serbisyo.
Aniya, isa sa kanyang bibigyang pansin ang pagpapalaganap ng tama at wastong impormasyon sa mga mamamayan patungkol sa sunog.
“Paiigtingin [natin] ang mga programa na direktang nakikipag-ugnayan sa mga mamamayan para nang sa gayon maiwasan natin ang mapinsalang apoy,” ani Delos Santos.
Dagdag pa rito, ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga fire hydrants sa lungsod na ayon sa bagong hepe isa sa nakita niyang problema sa siyudad ang kakulangan nito.
“Upon assuming isa po yun kaagad sa aking nakita sa lugar ang kakulangan sa ating fire hydrants based on our experience as fire fighters nakapahalaga po nito lalo’t my limited number of fire trucks lang po tayo. So kung meron tayong sufficient number of hydrants, sufficient water to supply fire trucks magagawa po natin ng maayos ang ating firefighting operations. Malaking bagay po yun,” pahayag pa nito.
Binanggit din nito na sa kanilang naging pag-uusap ni Mayor Lucilo Bayron, isa sa programa ng Alkalde ang pagpapatayo pa ng karagdagang substation ng BFP. Aniya, kung maisasakatuparan malaki ang maitutulong nito para maserbisyuhan ang Puerto Princesa.
Nangako naman ito na kaisa ang kanilang ahensya sa pagbibigay ng ligtas na pamayanan.
Samantala, nagpasa ng isang resolusyon ang City Council bilang pagkilala sa mga kontribusyon ni FSUPT Caabay noong ito ay naglingkod bilang hepe ng BFP- Puerto Princesa.