PUERTO PRINCESA CITY – NAGSAGAWA ng field assessment ang mga tauhan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) – EMED sa bayan ng Quezon, Palawan, mula ika-1 hanggang ika-5 ng buwan ng Abril.
Ayon sa ahensya, ang aktibidad ay bahagi umano ng Project WIFE Plastic+ na naglalayong masuri at magbigay ng baseline data sa macroplastics at beach profile, at updated na impormasyon sa kondisyon ng coral reef at kalidad ng tubig sa pangunahing biodiversity areas at protektadong lugar sa Palawan.
Ayon pa sa ahensya, ang aktibidad ay suportado ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Quezon sa pangunguna ni MENRO Officer Esperanza B. Caabay.
Sinuri ng mga kawani ng PCSD ang mga coral reef sa anim (6) na lugar habang ang sampung (10) mga sites ay itinatag para sa pagtatasa ng in-situ water quality, beach profiling, macro-plastic at marine pollution.
Ang sampung monitoring sites na itinatag ay binubuo ng limang island sites na kinabibilangan ng Sidanao back, Sidanao front, Nasirik Island, Tamlangon Island, at Double Island, habang limang mainland sites na katabi ng Malanut Bay partikular ang Tawa-tawa Bay, Alfonso XIII Bayside, Barangay Tabon Site 1, Barangay Tabon Site 2, at Lasyap Beach.
Samantala, kapansin-pansin din na karamihan sa mga nakolektang debris sa lugar ay binubuo ng mga hanay sa pangingisda, mga balot ng pagkain, mga plastik na bote, upos ng sigarilyo, at mga dumi sa bahay gaya ng mga sachet ng sabong panlaba at diaper.
Isinagawa naman ang reef assessment gamit ang ReefScan, isang modular suite ng automated marine monitoring system mula sa Australian Institute of Marine Science (AIMS), sa Sidanao Island (Nakoda), Tawa-tawa Island (Front of Tabon Cave), Tataran Island (Baja Llanura), Nasirik Island, Tamlangon Island (Patelan), at Double Island (Tide pool).
Ang mga unang resulta ng pagsusuri ay naglalaman ng pangkalahatang magandang kondisyon ng bahura na kung saan ang pagkakaroon ng isang seaturtle ay naobserbahan sa Double Island.
Habang ang in-situ naman ay pagsubaybay sa kalidad ng tubig na isinagawa sa mga lugar kung saan mayroong mga bahura o korales upang masuri ang katayuan ng water quality na nakakaapekto sa mga coral reef ecosystem.