Ni Marie F. Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY — Pinangunahan ng Department of Agriculture Region 4B Rice Program katuwang Rizal Municipal Agriculture Office ang pagsasagawa ng kauna-unahang Drone Seeding Harvest Festival sa nabanggit na bayan nitong Marso 13.
Ayon sa ahensya, umabot 8.25 toneladang palay kada ektarya ang naani sa nagdaang harvest festival na kung saan ito ang bunga sa isinagawang drone seeding demonstration sa sampung (10) ektaryang palayan noong December 7, 2023, sa Brgy. Candawaga, Rizal.
Dinaluhan ito ng 250 mga magsasaka mula sa iba’t ibang clustered farms ang nasabing harvest festival.
Layunin ng kagawaran na hikayatin ang mga magsasaka na gumamit ng makabagong tekonolohiya upang mapabilis at makatipid sa kanilang pagtatanim alinsunod sa direktiba ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na “lesser cost, more production”.
Sa tulong ng agricultural drone, ang pagtatanim ng binhi ng palay ay mapapabilis at makatitipid ang mga magsasaka sa kanilang farm inputs.
Sa paggamit din ng makabagong pamamaraan ng pagtatanim, magiging sapat ang 15 kilos na hybrid rice seeds sa buong isang ektarya. Makapagsasabog din ito ng 30-40 na kilo ng binhi sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Habang 15 litro ng abono at pesticide naman ang naisasabog kada ektarya sa loob lamang ng anim na minuto.
Samantala, umabot naman sa 210 hybrid cluster area na ang naserbisyuhan ng drone seeding sa tulong ng New Hope Corporation nitong December 11-17, 2023.
Ang sampung (10) ektarya na ginamit sa demonstration ay sinagot ng DA Region 4B Drone Team habang ang 200 ektarya ng palayan ay binayaran ng mga magsasaka sa nabanggit na service provider sa halagang 2,500.00 pesos kada ektaryang sakahan.