Ni Ven Marck Botin
ISANG fishing boat mula sa lalawigan ng Mindoro ang nasakote ng Linapacan Municipal Police Station (MPS) matapos mahuling gumagamit ng iligal na compressor sa bahagi ng Canarem Island ng Bgy. Nangalao, sa nabanggit na bayan.
Sa Facebook post, kinumpirma ni Mayor Emil Neri na nasukol ng mga awtoridad ang mga mangingisdang lulan nito dahil sa iligal na aktibidad sa katubigan ng Linapacan.
“Dito sa Linapacan, iisa lang ang ating policy. [‘Pag] nahuli ka, huli ka. Wala tayong dapat pang pag-usapan,” pahayag ni Mayor Emil Neri.
Photo courtesy//Linapacan Mayor Emil Neri Facebook Page
Matatandaang bumisita kamakailan sa nabanggit na bayan ang mga opisyal ng Palawan Provincial Police Office (PAL PPO) at Western Command (WesCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang personal na magpaabot ng suporta sa kampanya ng lokal na pamahalaan kontra illegal fishing.
Pahayag pa ng tanggapan ng alkalde, magdaragdag ng kapulisan ang Palawan PPO para palakasin ang puwersa ng kanilang Local Goverment Unit (LGU) habang tutulong naman ang ahensya ng Western Command sa pagpapatrolya sa katubigang sakop ng bayan ng Linapacan upang sugpuin ang iligal na pangingisda sa lugar.