Puerto Princesa City, Philippines — Dalawang (2) Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Kiosk ang inilunsad ng Agricultural Training Institute (ATI) sa lalawigan ng Palawan.
Inilunsad ito sa Javenri Harvest Farm sa Brgy. Sta. Cruz ng lungsod ng Puerto Princesa, at ang isa nama’y sa ‘Palengke sa Bukid’ na matatagpuan sa Brgy. Tumarbong, Roxas, nitong Hunyo 13 at ika-14 ng buwan, taong kasalukuyan.
Pinangunahan ito ni Center Director Pat Andrew B. Barrientos na naglalayong mapahusay ang access sa mahalagang teknolohiya at mapagkukunan ng impormasyon para sa mga magsasaka at mangingisda sa lokalidad.
Ayon sa ATI Region 4B, bilang satellite office ng FITS Center, ang Javenri Harvest Farm ang unang FITS Kiosk sa lungsod ng Puerto Princesa habang ang Palengke sa Bukid naman ang ikatlong FITS Kiosk sa bayan ng Roxas, Palawan.
Malugod na tinanggap ni Ginoong Bryan John S. Dizon, Learning Site for Agriculture (LSA) cooperator ng Javenri Harvest Farm, ang mga kalahok at panauhin ng kaganapan.
Ayon kay Dizon, ang FITS Kiosk ay magbibigay umano sa mga magsasaka, mangingisda, at kabataang bumibisita sa sakahan ng mahahalagang kaalaman at impormasyon upang mapahusay ang kanilang produktibidad.
“Through the internet connection and ICT equipment here at the FITS Kiosk, they can conduct research, and our IEC materials are available for free, na mapagkukunan nila ng mahalagang impormasyon tungkol sa agriculture and fisheries” dagdag niya.
Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat sa ATI si G. Cesar Z. Caabay, isang LSA cooperator sa Palengke sa Bukid dahil sa kanya ipinagkatiwala ang nasabing proyekto.
Aniya, makikinabang umano ang lahat ng mamamayan sa kanilang barangay sa mga serbisyong ibinibigay ng FITS Kiosk.
Samantala, binigyang-diin naman ni Direktor Barrientos ang mahalagang papel ng FITS Kiosk sa pagpapalaganap ng teknolohiyang nauugnay sa agrikultura at pangisdaan sa mas maraming mamamayan.
Hinimok din niya ang mga lider-magsasaka sa Brgy. Sta. Cruz at Brgy. Tumarbong upang suportahan at gamitin ang mga serbisyong inaalok ng FITS Kiosk.
“Huwag tayong matakot sa teknolohiya. Kailangan natin itong gamitin para mas lalong mapaunlad ang ating pagsasaka,” ani Barrientos.
Sa panahon ng kaganapan, ipinagkaloob ng ATI-MIMAROPA ang isang tseke na nagkakahalaga ng Php70,000.00 bilang catalytic funds upang mabayaran ang mga gastos sa pagpapakita ng mga materyales sa IEC, pag-access at pag-promote ng mga serbisyo ng ‘e-extension’ at iba pang mga online na kagamitan sa agrikultura, at pagdodokumento at pagbuo ng impormasyong nakabatay sa teknolohiya. Bukod dito, ang iba’t ibang materyales ng IEC ay ibinigay sa FITS Kiosk.
Dumalo naman sina City Agriculturist Ms. Melissa U. Macasaet, Agricultural Technologist at kinatawan ng Provincial Agriculture Office, Ms. Rosemarie C. Oliva, Agricultural Technologist at kinatawan ng Municipal Agriculture Office sa Roxas, Ms. Merlyn La Torre, Lupon ng mga Direktor at mga miyembro ng Nagsaguipi-Calatubog Farmers Marketing Cooperative, at lokal midya.