PALAWAN, PHILIPPINES – MULING matutunghayan sa darating na Baragatan Festival 2024 ang pinaka-aabangang Float Parade Competition na kung saan ay magtatagisan sa nasabing parada ang iba’t ibang mga kalahok na munisipyo sa lalawigan ng Palawan.
Ang nasabing parada ay gaganapin sa Hunyo 14, 2024, ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng pagkakatatag ng Gobyerno Sibil ng Palawan.
Ayon sa ulat ng PIO Palawan, ang bawat kalahok ay hinihikayat na gumamit ng mga indigenous at biodegradable na materyales na mayroong disenyong angkop sa tema ng Baragatan ngayong taon na “Mayamang Sining at Kultura…Kakaibang mga Kaugalian at Tradisyon…Tagisan ng Lakas, Talino, at Talento…Natatanging Produktong Palaweno”.
Ang kompetisyon ay mayroong tatlong (3) kategorya: ang LGU Mainland, LGU Island at Open Category.
Ang taas ng bawat float ay kinakailangang hindi lalagpas sa 14ft o 4.5 metro at ang haba ay hanggang 10 metro lamang habang ang lapad naman ay hanggang 3 metro na iba’t ibang uri ng four-wheel vehicle.
Ang mananalong kampeon para sa Mainland at LGU Island Category ay pawang tatanggap ng P400,000.00 at tropeyo habang P300,000.00 naman at tropeyo para sa ikalawang puwesto at ang ikatlong puwesto ay pagkakalooban din ng tropeyo at P200,000.00. Habang pagkakalooban naman ng tig P100,000.00 na consolation prize para sa mga hindi nagwagi.
Pagdating naman sa Open Category, pagkakalooban ng P100,000.00 ang itatanghal na kampeon habang P75,000.00 para sa ikalawang puwesto at P65,000.00 ang ikatlong puwesto. Magkakaloob din ng P50,000.00 bilang consolation prize.
Samantala, para naman sa final score ng bawat kalahok ay nakabase sa mga sumusunod na criteria: Symbolism and Relevance to the Theme 30%; Design 30%; Uniqueness and Workmanship 35%, at Punctuality 5%.
Para sa iba pang impormasyon kaugnay nito, mangyaring makipag-ugnayan kay G. Lino M. Conserman o tumawag sa mga numerong 0919-668-8466 at 0916-579-2505.