Ni Vivian R. Bautista
Nitong ika-1 ng Setyembre, binalangkas ng mga eksperto at mga kinauukulang ahensya ang 5-year Forest Restoration Action Plan ng Palawan para sa planong pagpapalawig at pagpapaigting ng pangangalaga’t konserbasyon ng lalawigan.
Ang High-Level Forum for the Restoration of Palawan’s Forest Landscape ay pinangunahan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Prov’l ENRO Atty. Noel E. Aquino katuwang ang pamunuan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at United States Agency for International Development (USAID Sibol).
Isa ito sa mga prayoridad ng administrasyon ng kasalukuyang gobernador ng lalawigan kabilang ang patuloy na pagtataguyod at pagpapalago ng mga kabundukan sa Palawan.
Ang layunin ng forest and landscape restoration o FLR ay para bumuo ng ng matatag at multifunctional para sa hamong pagbabago sa ekonomiya ng bansa at klima.
Ayon kay Atty. Aquino, mahalaga umanong magkaroon ng iisa at matibay na plano ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng 5-Year Forest Restoration Map kung saan natukoy rito ang high and medium priority sites ng mga kabundukan o timberland sa iba’t ibang munisipyo na magsisilbing gabay ng pamahalaan ukol sa mga kabundukan na mahalagang pagtuunan ng pansin.
“Ito na po ang finale kaya tinawag natin itong high-level presentation kasi kasama natin dito ang ating mga Local Chief Executives. After the discussions, considerations and study, we will now present the final restoration map that will be adopted in the entire province of Palawan. Ito po ang magiging gabay natin kung ano po ang mga areas na dapat bigyan natin ng priorities pagdating sa forest restoration,” ani Aguino.
Aniya, maliban dito, mahalaga ring makabuo ng Forest Landscape Restoration Network kung saan ay magiging iisa lamang ang mga programa at inisyatibong pangkalikasan na ipatutupad sa lalawigan katuwang ang iba’t ibang tanggapan, NGOs, at LGUs para sa mas mabilis at epektibong restoration plan.
“Nasimulan na natin ‘yung Synchronized Pista ng Kalikasan which is already part of the network for forest restoration. Gusto nating gawing isa, sabay-sabay at lahat mayroong ambag. This time, kasama natin sila. Lahat po [rito] ay hinihikayat na mag-restore, ang importante [rito] ay mayroon na tayong isang solidong mapa. Ibig sabihin, kahit sinumang grupo ang dumating sa atin na gustong tumulong, welcome sa atin pero hindi sila p’wedeng gumawa ng sariling mapa kung saan nila ilalagay ang kanilang restoration. It has to follow at i-adopt itong ating restoration map dahil dinaan natin ito sa magandang pag-aaral.”
Sa kabuuan, hindi bababa sa 60 porsiyento ng mga kabundukan sa lalawigan ang kinakailangang iprayoridad ng pamahalaan.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan din ni Board Member Ryan D. Maminta kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Office of the Provincial Agriculturist (OPA), representante mula sa academe at mga lokal na pamahalaan ng iba’t ibang munisipyo sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Officers (MENROs) at Sanggunian Bayan members, ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo.