Libreng dental services ang isinagawa ng Provincial Health Office (PHO) katuwang ang Araceli Municipal Health Office sa halos dalawandaang (200) residente ng Araceli, Palawan, na ginanap sa Municipal Health Office ng nasabing bayan nitong nakalipas na Pebrero 25 at 26.
Layunin ng aktibidad na linangin ang kaalaman ng mga residente sa lugar ukol sa tamang pangangalaga sa bibig at ngipin.
Nagsagawa ng libreng bunot ng ngipin, pamamahagi ng mga gamot, fluoride gel application sa mga nasabing residente.
Kaugnay dito, nagkaloob din ng supervised toothbrushing para sa mga child development centers sa nasabing bayan upang mapanatili ang maayos at malinis na ngipin ng mga bata.
Samantala, patuloy naman ang pagkakaloob ng PHO ng mga Oral Health Program sa iba’t ibang munisipyo sa lalawigan ng Palawan at ang kanilang pakikiisa sa SPS Caravan.