Nakatanggap ng report ang tanggapan ng Provincial Information Office (PIO) Palawan sa umano’y Facebook account sa ilalim ng pangalang “Dennis M. Socrates” na nanghihingi umano ng contact number at mamimigay ng libreng load o free load sa mga indibidwal online.
Ayon sa tanggapan, ‘maging mapanuri at huwag maniniwala sa mga taong nagpapanggap online… upang manloko kapalit ng salapi, pabor o anumang serbisyo mula sa Pamahalaang Panlalawigan”.
Ayon pa sa opisina, hindi pinahihintulutan ng gobernador ang anumang uri ng scamming activities. Mariing hinihikayat ang publiko na huwag magpaloko at agarang isumbong ang nasabing fake account na nagpapanggap bilang si Gob. Socrates.
I-report ang anumang kaparehong panloloko sa Provincial Information Office sa numerong (048) 433-1453, National Bureau of Investigation (048) 433-2248, at Philippine National Police malapit sa inyong mga lugar.
Samantala, labag sa batas ang mga ganitong uri ng panloloko, identity theft, at online scam na gumagamit ng katauhan o detalye ng mga opisyales, kawani ng pamahalaan, at ninuman.