Kauna-unahan sa rehiyon ng Mimaropa ang Puerto Princeda City na nagsagawa ng malawakang cashless payment gamit ang QR Code sa mga pamilihang bayan at transportasyon partikular sa mga tricycle na naisakatuparan sa pamamagitan ng Paleng-QR Ph Plus na inilunsad sa lungsod nito lamang ika-16 ng Hulyo.
Isa sa mga naging panauhin sa aktibidad si DICT MIMAROPA Regional Director Emmy Lou Delfin na nangakong hindi na poproblemahin pa ng mga tindero’t tindera at drivers ang wifi dahil ang Department of Information and Communications Technology ay maglalagay ng ‘free wifi’ sa lahat ng pampublikong palengke at terminal sa lungsod.
“Kami po sa DICT, ito po ang aming commitment kasi kung wala kayong wifi hindi niyo naman po magagamit ang QR code.
Ang commitment ng DICT as promised to Mayor (Lucilo) Bayron na lahat ng public markets, nandito yung team ko from DICT Mimaropa and Palawan. Magbibigay kami ng free wifi sa lahat po ng public places kasama po dyan ang public terminal, both the old and new market atsaka yung Irawan Public Market and Terminal to be specific kung saan po ilalagay namin so you can actually maximize ang paggamit ng Paleng-QR,” anunsyo ni Delfin.
Binigyang-diin nito na ang Palengke sa mahabang panahon ay nagsisilbing ‘heart’ at ‘soul’ ng komunidad dahil ito ang nagpoprodyus ng mga pangunahing pangangailangan ng mga tao ngunit hindi rin maikakaila ang kinakaharap nitong ‘challenge’ sa pag-usbong ng mga naglalakihang mall at super market saan mang panig ng bansa.
Aniya, ang limitadong access sa digital payments ay nakakahadlang sa economic activity kaya naman ang DICT ay mayroong programa na tinatawag na Free Public Internet Access Program na layuning maghatid ng libreng wifi sa mga pampublikong lugar.
Maliban sa free wifi, libre rin nilang ipinagkakaloob ang mga libreng pagsasanay sa digital literacy.
“Together let’s make Paleng-QR a success story for Puerto Princesa and let’s create inclusive, efficient market system that benefits our entire community and celebrates the local flavors to make Puerto Princesa unique,” pahayag pa ng opisyal.