Sugatan ang dalawang French nationals matapos mag-overshoot ang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng Brgy. Poblacion, bayan ng San Vicente, Palawan, bandang 10:40 ng umaga nitong araw ng Linggo, Enero 5.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Alyas ‘Glenn,’ at Alyas ‘Jean.’
Binabaybay ng dalawang dayuhan sakay ang kanilang motorsiklo ang direksyon patungong Brgy. Kemdeng nang biglang mawalan ng kontrol ang driver habang pababa sa shoulder portion ng kalsada na naging dahilan ng aksidente, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng San Vicente Municipal Police Station.
Nagtamo ng minor injuries sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver at angkas nito na agaran namang dinala sa District Hospital para sa paunang lunas.
Kaugnay rito, inilipat ang biktimang drayber sa lungsod ng Puerto Princesa para sa mas masusing gamutan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring aksidente.