Photo Courtesy | NV314 aircrew ng PN at TOW West

PUERTO PRINCESA CITY — Bumisita sa Munisipyo ng Kalayaan partikular sa Pag-asa Island ang mga kinatawan ng GMA Kapuso at Manila Water Foundations nitong araw ng Miyerkules, Enero 31, 2024.

Layunin ng pagbisita na masuri ang posibilidad ng pagtatayo ng mga bagong silid-aralan at suriin ang kasalukuyang sistema ng patubig sa lugar.

Naging posible ang pagbisita sa pamamagitan ng kooperasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) at pakikipagtulungan ng mga nasabing organisasyon.

Sa kanilang pagbisita, nakipagdayalogo ang grupo sa mga guro upang talakayin ang mga plano para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan sa komunidad.

Nagkaloob din ang grupo ng mga makakain para sa mga mag-aaral at mga bata ng Isla ng Pag-asa at namahagi rin ng mga laruan sa apatnapung (40) kabataang residente ng lugar.

Nagsagawa rin ng hiwalay na dayalogo para sa mga residente upang talakayin ang mga pagpapabuti sa kasalukuyang sistema ng patubig.

Batay sa ulat ng Wescom, ang mga kinatawan ng GMA Kapuso Foundation ay kinabibilangan nina Bininibing Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President/Chief Operating Officer; Bb. Loida Tracy Cruz; Bb. Maria Cristina Dungca; at Engr. Arnel Zantua, Supervising Engineer. Habang sina Blessille G. Par at Ivy Jill D. de Leon naman ang naging representante ng Manila Water Foundation.

Ayon pa sa ahensya, ikinalulugod umano ni Colonel Reynaldo Balido Jr.,Civil Military Operations (CMO) Officer ng Command, na naging matagumpay ang pagbisita ng mga panauhin mula GMA Kapuso at Manila Water Foundations.

Kilala ang GMA Kapuso Foundation sa mga programang Serbisyong Totoo nito, na nagbibigay ng tulong kabilang ang pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, tulong sa kalamidad, at iba pa.

Samantala, ang Manila Water Foundation ay nakatuon naman sa pagtataguyod ng sustainable water access, sanitation, at hygiene education, gayundin ang mga programang pangkalikasan para sa mga marginalized na komunidad sa Pilipinas.

“Collaborating with GMA Kapuso Foundation and Manila Water Foundation in improving education and water access in Pag-asa, Kalayaan has been a remarkable endeavor. Together, we are making a positive impact on the lives of the community”, ani Col. Reynaldo Balido Jr. sa kanilang pagbabalik sa Puerto Princesa City.

Author