Photo Courtesy | PIO-Palawan

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Nagkaroon ng pagkakataon si Gobernador Victorino Dennis M. Socrates na bisitahin ang 184 Technical Vocational Scholars ng SPS Alay sa Kabataan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na kasalukuyang nag-aaral sa Dualtech Training Center Foundation, Inc. sa Calamba City, Laguna , nitong Pebrero 18, 2024.

Sa pangunguna ni President/Executive Director Jerry Webb Muhi, malugod na tinanggap ng pamunuan ng Dualtech Training Center ang gobernador kasama ang kanyang grupo.

Dito ay nakasalamuha ng gobernador ang mga nasabing iskolars at kinumusta niya ang kasalukuyang lagay ng mga ito. Personal namang nagpasalamat ang mga iskolar sa gobernador kung saan ay nagbahagi ang mga ito ng kanilang mga naging karanasan at pagkatuto sa kanilang pagsasanay.

Ayon sa Provincial Information Office Palawan, personal na nakita ng grupo ni Gob. Socrates ang mga pasilidad at silid-aralan ng naturang lugar kung saan nagsasanay ang mga nasabing iskolar.

Kasama ng gobernador sina Chief of Staff Ceasar Sammy A. Magbanua, Provincial Information Officer Atty. Christian Jay V. Cojamco, Provincial GAD Head Richard Winston Socrates, Provincial PESO OIC Orphy Ordinario at Executive Assistant IV Ma. Elizabeth Sabando.