PALAWAN—Inanunsyo ni Palawan Governor Victorino Dennis Socrates na siya ay muling kakandidato sa pagka-Gobernador ng lalawigan ng Palawan sa National and Local Elections (NLE) 2025.
Ang Gobernador ay umaasa na muling susuportahan ng mga Palawenyo para maipagpatuloy ang paglilingkod sa lalawigan.
“Gusto kong sabihin sa lahat na ako ay kakandidatong muli para Gobernador ng ating lalawigan para sa halalang 2025 at umaasa akong mapagbibigyan ng pagkakataong ipagpatuloy ang paglilingkod sa ating sambayanang Palawenyo,” ang mensahe ng Gobernador.
Aniya, isa sa kanyang legasiya ang good government kung saan kapakanan at kabutihan ng lahat ang prayoridad.
Binigyang diin ng Gobernador na, “ito talaga ang tungkulin ng pamahalaan ang pangangalaga sa kabutihan ng lahat”.
Dagdag pa rito, ang pagpapatupad at pagtalima sa mga umiiral na batas ang pinakamahalagang elemento ng good government. At transparency, accountability at participation naman ang mga instrumentong nakatutulong upang matiyak ang pamamayani ng kautusan ng batas.
“Gaano man kaikli o katagal ang paninilbihan ko sa Provincial Governor’s Office gusto kong isipin na ito ay isang patuloy na pagmumuni-muni tungkol sa good government at pagsisikap na pairalin ito, pagsisikap na isakatotohan ang tamang pagkilos ng pamahalaang panlalawigan ayon sa ating sistema ng batas,” pahayag pa ng Gobernador.