PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — Personal na nakipagpulong si Gobernador V. Dennis M. Socrates at grupo nito kina Western Command Deputy Commander for External Defense Operation BGen Romulo D. Quemado II at iba pang kinatawan ng ahensya nitong Hunyo 20, 2024, sa WESCOM Headquarters.
Pakay ng gobernador na alamin ang bagong kaganapan sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pahayag ng Western Command, wala umanong katotohanan ang kumakalat na mga mensahe ng anumang mga pag-atake na maaaring makapanakit sa mga Palaweño. Tanging ang mga lehitimong pahayagan at tanggapan ng impormasyon lamang umano ang dapat na paniwalaan upang hindi mabiktima ng mga maling impormasyon.
Siniguro ng gobernador na patuloy ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lalawigan. Hangad din nitong maalis ang pangamba ng publiko para sa kaligtasan ng mga Palaweño.
Kasama ng gobernador sina Provincial Information Officer Atty. Christian Jay V. Cojamco at Peace and Order Program Director Atty. Lara Mae O. Cacal.
Ayon sa tanggapan ng pang-impormasyon ng kapitolyo, inaasahan umano ang
patuloy na pagpapairal ng patriotic vigilance para sa mga kapwa Pilipino upang malaman ang ating mga karapatan sa West Philippine Sea.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) at mga tropang sundalong pinoy na ikinasugat ng ilan sa mga ito at ikinasira ng ilang sasakyang pandagat ng WESCOM habang nagsasagawa ng RORE mission sa Ayungin Shoal, WPS.