Ni Marie Fulgarinas
Binigyang-diin ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates ang kahalagahan ng mga prinsipyong batayan sa kaniyang tungkulin bilang lider ng lalawigan ng Palawan na naaayon sa kaniyang ‘good government’ agenda.
Sa ikatlong State of the Province Address o SOPA ng gobernador nitong araw Martes, Setyembre 3, isa-isang inilahad ni Socrates ang ‘principles of good governance’ na naging panuntunan ng kaniyang panunungkulan at pagbibigay-serbisyo sa kaniyang mga nasasakupan: ang pamumuhay ng moral, pagtupad sa batas kalikasang moral, pagsisikap na mamuhay bilang mabuting tao at pagsasanay na makilala, ibigin at paglingkuran ang Diyos.
Inilahad din ni Socrates ang kahalagahan ng partisipasyon at pagkakaisa ng malayang pagpili o ‘union of wills’ ng mga mamamayan na bumubuo ng isang sambayanan.
“Bilang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan, masasabing ginagawa nang mabuti ang ating tungkulin kung ang ating pagkilos ay nakatuon o patungo sa Kabutihang Panlahat na siyang huling dapat kahantungan ng sambayanan bilang Sambayanan,” paghahayag ng gobernador.
Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng justice system para sa maayos na pamamahala gayundin ang paglaban sa katiwalian at ‘conflict of interest’ at pagtanggap ng suhol o komisyon mula sa anumang transaksiyon ng isang opisyal ng pamahalaan.