Photo courtesy | PIO Palawan

PUERTO PRINCESA CITY – Tinalakay sa kapitolyo nitong Lunes, Enero 8, ang usapin hinggil sa kasalukuyang estado ng kuryente at iba pang isyu na may kaugnayan sa suplay ng enerhiya sa lalawigan ng Palawan.

Nakipagpulong si Gobernador Victorino Dennis M. Socrates kasama ang ilang department heads ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga opisyal ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa pangunguna ni General Manager Rez Contrivida upang talakayin ang isyung kinakaharap ng kooperatiba gaya ng Energy Regulatory Commission Order na nagpatigil umano sa pagpapatupad ng Power Supply Agreement ng PALECO at Delta P noong Setyembre 2023 na naging dahilan para pumasok sa Emergency Power Supply Agreement (EPSA) ang kooperatiba upang magkaroon ng tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya sa lungsod at lalawigan.

Mapapansin din ang kamakailang pagtaas ng singil ng kuryente sa mga consumers sa lalawigan na nasa halagang P14.7106/KWh dahil sa taripa na inilabas ng mga power producers.

Ipinaliwanag ni PALECO’s Public Information Officer Janelle Rebusada ang ukol sa estado ng suplay ng kuryente at mga ginagawang solusyon ng kooperatiba sa mga problema sa daloy ng kuryente sa lalawigan.

Ani Rebusada, posible umanong magkaroon ng malawakan at tuluy-tuloy na rotational blackout ang lahat ng mga nakakonekta sa Palawan main grid kung hindi gagawin ng PALECO ang pagpasok nito sa EPSA, habang ang pagpasok sa EPSA ng PALECO ay magiging dahilan naman upang mawalan ito ng subsidy batay sa kautusan ng Department of Energy (DOE) 2023 Competitive Selection Process (CSP) Circular.

Upang mabigyan ng solusyon ang problemang ito, ang kooperatiba ay nakikipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) partikular sa pamahalaang panlalawigan at panlungsod upang suportahan ang petisyon nito katuwang ang Association of Island Electric Cooperative Inc. (AEIC) at Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. (PHILRECA) para isulong na baguhin ang ilang probisyon sa Section 2.3.5 ng DOE 2023 CSP Circular na salungat umano sa nakasaad sa Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA Law).

Samantala, handa rin umanong magbigay ng suporta at tulong ang Pamahalaang Panlalawigan sa petisyon ng PALECO sa DOE maging sa iba pang mga proyekto nito pati na rin ang pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang mapabilis ang Environmental Compliance Certificate (ECC) ng SI Power Corp. na makatutulong na masolusyunan ang problema sa kuryente sa lalawigan.

Author