PALAWAN, Philippines — Ngayong 2024, magsisimula ang restoration program ng Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) sa kanilang mga nasirang kagubatan dahil sa iniwang hagupit ng nagdaang bagyong Super Typhoon Odette noong 2021.
Sa isang press conference, sinabi ni Park Superintendent Elizabeth Maclang ang restoration program na ito ay napapaloob sa kanilang Green Recovery Plan. Ito ang sampung taon na programa na layuning mapanumbalik ang nasirang kagubatan.
Aniya, 60 porsyento ng kagubatan sa PPSRNP na may lawak na siyam na libong (9,000) ektarya ang pinadapa ng bagyong Odette.
“[Mayroon] tayong sampung (10) taong plano — ‘yung Green Recovery Plan na nabuo natin. Ito ay ‘yung pormal na taon ng pagsisimula at sampung taon siya na gagawin ng national park para mapalitan at mapanumbalik ‘yung 60% na nasira ni bagyong Oddette [sa] siyamnalibong ektarya [na kung saan bahagi nu’n ang] mangrove rehabilitation,” ayon kay Maclang.
Kaugnay nito, nakaraang taon ay una nang nakapagtanim ng nasa 52,000 seedlings sa tulong ng Sustainable Interventions for Biodiversity, Oceans, and Landscapes (SIBOL) at Conservation International.
“Sila ang unang tumulong pero limited ang kanilang mga areas, nag-establish ng nurseries pero hindi kakayanin ang biglang restoration na ito dahil sampung taon talaga nakadetalye. Ibang restoration kasi [roon] sa tree planting at rehabilitation, ‘yung restoration malawak at malalim ang coverage dahil ‘yung nasirang gubat kailangan naming i-control at kailangan naming ibalanse yung mga wildlife na nakatira [r]oon.
‘Yun ang dapat ma-manage namin ng husto para mai-share [r]in sa ibang mga protected areas kapag nangyari sa kanila — piloting na tayo sa PPSRNP,” dagdag pa ni Maclang.
Sa pagsisimula ng Green Recovery Plan ngayong taon, mayroong inilaan na 15-milyong piso ang parke, ito ay galing sa mga nakolektang entrance fees noong nakaraang taon na siyang gagamitin sa pagsisimula ng restoration program.
Paliwanag pa ni Maclang, mangangailangan ng mahigit 150 milyong piso para tuluy-tuloy ang implementasyon ng programa sa loob ng sampung taon.
At dahil self-sustaining ang parke, hindi nila kakayanin na ito ay mapondohan kaya naman mangangailangan sila ng mga katuwang na ahensya, dahil dito magkakaroon ng malakihang investors forum para mailatag nila ang pangangailangan ng PPSRNP.
Binigyang-diin ng Park Superintendent na hindi agad naisagawa ang restoration program matapos ang bagyo dahil kinailangan muna ang pagsasagawa ng green assessment.
“[Mayroon] siyang dalawang taon na allowance from 2021 dahil ginawa pa natin ang green assessment. Hindi siya makukuha ng dalawang buwan o tatlo, inabot po siya ng taon kasi kailangan naming piliin at kailangan naming alamin ano ang mga estratehiya per hectare ng mga gubat na ‘yan na nasira ganu’n kalalim na restoration program ito at the same time paano namin iimplement sa susunod na taon,” ani Maclang.
Samantala, nagpasa naman ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlungsod na nag-eendorso sa Green Recovery Plan.