Photo courtesy | Palawan Patriots for Peace and Progress
Bumalik na lamang sa San Fernando Port sa bayan ng El Nido Palawan ang grupo ng mga Palawenyo na kasama sana sa Christmas Convoy, isang supply mission sa West Philippine Sea (WPS) matapos buntutan ng mga chinese vessel ang kanilang sinasakyan habang naglalayag patungong Lawak island.
Ayon sa ulat sinimulang sundan ng apat na chinese vessel ang barkong sinasakyan ng mga sibilyan bandang 3:40 ng hapon, araw ng Linggo, Disyembre 10.
Dahil dito nagdesisyon na lamang ang grupong Atin Ito Coalition at maging ang kapitan ng barko na bumalik na lamang sa port.
Ligtas naman nakabalik ang grupo ng mga Palawenyo kabilang ang Palawan Patriots for Peace and Progress o P4 noong ika-11 ng Disyembre.
Batay sa panayam ng Super Radyo DZBB kay Joaquin Philippe Ortega, covenor ng P4 sa kabila ng nangyari itinuturing pa rin ng grupo na matagumpay ang naturang misyon dahil nakarating sa isla ng Lawak ang kanilang mga regalong dala tulad ng pagkain, gamot para sa mga sundalong nakadestino sa WPS at gamit sa pangisda para naman sa mga lokal na mangingisda.
Aniya pa kung mabibigyan ng isa pang pagkakataon ay handa ang P4 na muling makiisa sa kahalintulad na aktibidad.
“Ang dala natin ay hindi lang pamasko, may mensahe din tayong dala na kaya marami tayong kasama kasi pinapakita natin sa Tsina na hindi tayo papaalipusta,” ani Ortega.