Photo courtesy | Gintong Butil Agri Farm/ Facebook
Ni Marie F. Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY – Mabibili sa Gintong Butil Agri Farm ang mga abot-kayang bagong aning gulay at prutas gaya ng bell pepper, repolyo, Chinese cabbage, lettuce, talong, upo, kalabasa, guyabano, at marami pang iba, ngayong araw ng Sabado, Disyembre 30.
Sa Facebook post kagabi, ibinahagi ng agri farm na mabibili sa kanilang tindahan sa Kilometer 27, South National Highway, Bgy. Sta. Lucia, lungsod ng Puerto Princesa, ang mga garantisado’t murang gulay at prutas.
Bukas ang tindahan ng nabanggit na agri farm mula 8:30 nang umaga hanggang 5:00 nang hapon ngayong Sabado hanggang sa mismong araw ng bisperas ng bagong taon, Linggo, Disyembre 31.
“Sa bawat mabibili [niyo] pong gulay ay katumbas din po ng pagtulong [niyo] sa ating mga lokal na magsasaka at tinutulungan din po natin na umunlad ang ating agrikultura. Kaya, tangkilikin po natin ang ating mga lokal na produkto. Sariwa na, abot-kaya at ligtas pa,” ani Gintong Butil Agri Farm.
Ayon pa sa agri farm, walang entrance fee o bayad sa pagpasok sa kanilang lugar ngunit paalala ng pamunuan na bukas lamang ang Bamboo Hill area sa publiko sapagkat kasalukuyang isinasaayos ang kalahating bahagi nito dulot ng pananalasa ng Tropical Depression Kabayan.
“Ipinababatid din po natin na tanging ang Bamboo Hill ang nakabukas sa publiko dahil kasalukuyan po nating isinasaayos ang kalahating bahagi ng Gintong Butil Agri Farm dahil sa pinsalang natamo nito sa nakaraang Tropical Depression Kabayan. Inaasahan po namin ang inyong pang-unawa. Maraming salamat po,” dagdag ng pamunuan.
Hinihikayat din ng pamunuan na “Grow [Local]. Buy Local. Eat Local.”