Photo courtesy | Repetek Team

Ayon kay City Information Officer Richard Ligad, full support ang Bigkis Alliance sa kandidatura ni 3rd District Congressional Aspirant Baham Mitra sa darating na Halalan 2025.

Aniya, kailangang “full support” ang buong alyansa at idiniin na wala umanong dapat pangambahan ang mga taga-suporta ng Mitra-Bayron tandem dahil wala umanong mangyayaring laglagan sa partido.

Inihayag din ni Ligad na hindi mangyayari sa kasalukuyang tandem ang umano’y hiwalayang Acosta-Bayron dahil sa pagkakaiba ng partidong kinaaaniban ng dating magkaalyado.

“Hindi naman. Dahil noon naman alam natin ‘yong problema — ‘yong partido [ay] magkaiba. Ngayon hindi naman, dahil iisa naman sila, magkasama naman sila. So, wala naman akong nakikitang magiging problema,” ani Ligad.

Sa karagdagang katanungan ng lokal midya kay Ligad hinggil sa kasabihang “Blood is thicker than water”, nilinaw nitong nauna nang idineklara ni Punong Lungsod Lucilo Bayron ang kaniyang suporta kay dating Congressman Baham Mitra kaya wala umanong mangyayaring switching ng suporta.

“[Hindi naman, ‘no… pamilya pa rin iyan ‘pag pamilya ang pag-uusapan… siyempre iba naman ‘pag iba ang sinuportahan…. Una nang idineklara, nakita n’yo naman kanina, na naitaas na ni Mayor Bayron ‘yong kamay ni dating Congressman at soon to be Congressman Baham Mitra,” pahayag ng opisyal.

Author