Photo Courtesy | PNNI
PUERTO PRINCESA CITY — Nababahala ngayon ang pamunuan ng Palawan NGO Network, Inc. o PNNI dahil sa patuloy pagtaas ng datos na naitatalang nakakalbong kagubatan sa bayan ng El Nido, nabanggit na lalawigan.
Ayon sa pamunuan, mahigit anim (6) na taong nakalipas nang magpaalala ang PNNI sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan o Department of Environment and Natural Resources (DENR) ‘na mag-ingat sa direction ng Palawan sa Turismo’.
“Noong 2017, si Ginoong [Kapitan] Ruben Arzaga ay pinaslang at kasunod niya si Toto Veguella dahil sa [illegal] logging na nagsulputan upang pagbigyan ang malawakang development at [dumaraming] turista sa El Nido; na nagresulta ng pagtaas ng coliform sa dagat na hanggang ngayon ay hindi pa nasusulosyunan,” pahayag ng PNNI.
Nitong Enero 31, 2024, nagsagawa ng ‘foot patrol’ ang mga para-enforcers ng PNNI sa Barangay Pasadeña na kung saan nadaanan ng mga ito ang mga ilog na tuyo’t at malapit umano roon ang isang malawak na kaingin na humigit-kumulang limang (5) ektarya na ayon sa taong nakausap ng mga para-enforcers ay isang pulitiko ang may-ari umano nito at pagtatamnam ng tropical Fruits para sa mga turista.
“Halos buong Palawan ay ganito ang modus: kaingin, taniman ng tropical fruits, i-reclassify mula timberland bilang agricultural land, at ang may-ari ay mga kilalang tao,” pagbibigay-diin ng PNNI.
Kaya’t direktang kinuwestiyon ng pamunuan ang mga kinauukulan hinggil sa pagsagawa ng solusyon sa nabanggit na isyu.
“Saan patungo ang Last Frontier? Nasaan ang mga pro Environment? Nasaan ang mga bantay? Bakit puro meeting, seminar at workshop ang nangyayari kaysa sa pumunta sa gubat o dagat para magpatrolya? At bakit ang laki ng pondo sa mga pa-training pero hikahos sa pang-enforcement?”
“[Maraming] magagaling magsalita at mangako, ngunit talino lang at kasikatan ang ambag nito. Habang ang natitirang gubat at katutubo ang talo. Hindi ‘Genuine’ ang kanilang mga binitiwang salita. Disingenuous,” pahayag ng PNNI.