SUSTINABLENG HANAPBUHAY ang hatid ng Palawan Gender and Development Office (PGADO) ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga miyembro ng People’s Organization sa mga bayan ng Busuanga at Coron, Palawan.
Nasa kabuuang P23,880,000.00 ang naipagkaloob sa mga natukoy na benepisyaryo ng tulong pangkabuhayan para sa mga nabanggit na lugar sa ilalim ng Community-Based Gender and Development Livelihood Enhancement Program (CBGAD-LEP).
Base sa impormasyon, hindi lamang simpleng ayuda ang nasabing tulong pinansyal na ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga benepisyaryo kundi bilang pagsuporta para sa kanilang mas matatag, produktibo, at sustainable na hanapbuhay.
Sa Coron, umabot sa kabuuang P15,510,000.00 ang ipinagkaloob para sa mga benepisyaryo samantalang nasa kabuuang P8,370,000.00 ang ipinamahagi naman para sa 279 benepisyaryo sa bayan ng Busuanga, kamakailan.
Tumanggap ang bawat benepisyaryo ng tag-P30,000.00 bilang puhunan para sa kanilang napiling proyekto na pangkabuhayan.
Inaasahan naman na makakatulong ang malaking halaga ng ipinagkaloob na livelihood assistance para mapalakas ang kakayahan ng mga benepisyaryo na mapanatili at mapalago ang kanilang mga pangkabuhayang proyekto.
Patuloy naman isinusulong ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates ang mga programang magpapalakas sa kabuhayan at kaunlaran ng mga mamamayang Palawenyo, lalo na sa mga nasa sektor ng kooperatiba at maliliit na negosyo.
Samantala, CBGAD-LEP ay isang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng tulong sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng puhunan para sa kabuhayan.