PUERTO PRINCESA CITY – TUMUGON sa isang medical emergency ang Philippine Navy Islander ng WESCOM (NV312) na lumipad patungong Pag-asa Island nitong umaga ng Huwebes, Abril 4.
Ayon sa Western Command, agad na tumugon ang nasabing sasakyang panghimpapawid upang tulungan ang isang residente na nagngangalang si Ginang Angelita Pasco, residente ng munisipyo ng Kalayaan, na dumaranas ng sakit sa puso na nangangailangan ng espesyal na interbensyong medikal.
Dito ay agad na isinakay ang pasyente mula sa nasabing isla patungong lungsod ng Puerto Princesa.
Sakay ng Naval Air Asset ng WESCOM ang aeromedical team na pinamumunuan ni Colonel Rachelle Judilla MC(GSC), kabilang ang isang flight surgeon habang si Lieutenant Roema Angela Marcelo PN naman ang siyang pilot-in-command ng NV312 kabilang ang mga crew nito.
Ang flight mission na ito ay isinagawa upang matiyak na hindi maaantala ang kinakailangang pangangalagang medikal ng ginang.
Ayon pa sa ahensya, ang mga matagumpay na misyong ito ay nagpapakita umano ng kapasiyahan ng Western Command sa mabilis at epektibong pagtugon sa mga emehensiya sa West Philippine Sea (WPS) na tinitiyak ang kapakanan ng parehong mga sibilyan at mga tropang nasa frontline.