Photo courtesy | PCSD
PUERTO PRINCESA CITY – Isinoli ng isang concerned citizen sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) nitong Enero 15 ang isang Hedgehog na kanyang na-rescue sa Barangay San Jose noong gabi ng Linggo, ika-14 ng kaparehong buwan.
Ayon kay Ginoong Diosdado V. Muńoz, ang nasabing buhay-ilang ay inakala umano niyang isang porcupine, kaya’t agad siyang nagpasya na i-surrender sa pangangalaga ng PCSD upang matiyak ang kaligtasan nito.
Ayon naman sa PCSD, ang naturang buhay-ilang ay nasa mabuting kalusugan na agad naman nilang ibinigay sa pangangalaga ng partner agency, ang Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC), upang matukoy ang edad, kasarian, at kondisyon para sa wastong pangangalaga o disposisyon nito.
Bagaman ang mga hedgehog ay nakalista bilang “Least Concern” species ng International Union for Conservation of Nature, inuri sila bilang exotic wildlife at nasa ilalim pa rin ng regulasyon ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Samantala, patuloy ang panghihikayat ng PCSD sa mga mamamayan na nakatagpo o nakakuha ng anumang uri ng buhay-ilang na agad sumangguni o ibigay ang mga ito sa kanilang tanggapan o tumawag sa kanilang mga hotline.