PUERTO PRINCESA CITY — Aabot sa humigit-kumulang isanlibong ektaryang taninam sa lalawigan ng Palawan ang karagdagang mapapatubigan dahil natapos na ang limang (5) proyektong irigasyon ng National Irrigation Administration (NIA) Region 4B, batay sa panayam ng lokal midya kay Regional Director Engr. Ronilio M. Cervantes nitong Hulyo 18.
Ang proyekto ay binubuo ng Bagong Bayan Small Irrigation Project, Timburan Small Irrigation Project, Apurawan Communal Irrigation System, Sumbiling Small Irrigation Project, at Papualan Small Irrigation Project.
Ayon sa opisyal, inaasahang makapagbibigay ng serbisyong patubig sa higit 60 ektaryang taniman sa Bgy. Bagong Bayan sa bayan ng El Nido ang patubig ng Bagong Bayan Small Irrigation Project; tinatayang 100 ektaryang taniman sa Bgy. Pularequen, Taytay, ang maseserbisyuhan ng Timburan Small Irrigation Project; habang 180 ektaryang taniman sa Bgy. Apurawan, Aborlan, ang inaasahang mapapatubigan ng Apurawan Communal Irrigation System.
Dagdag dito, inaasahang makapagbibigay rin ng serbisyong patubig ang Sumbiling Small Irrigation Project sa mahigit 182 ektaryang taniman sa Bgy. Taratak, Bataraza, habang 386 ektarya naman ng sakahan ang maseserbisyuhan ng Papualan Small Irrigation Project sa Bgy. Decalachao sa bayan ng Coron, Palawan.
Ayon pa kay Cervantes, umabot sa 201 milyong piso ang nagastos sa mga nabanggit na proyektong irigasyon na inaasahang makapagbibigay ng serbisyong patubig sa mahigit 166 magsasaka sa Palawan.
“Ngayong araw, [Hulyo 18], magtu-turnover tayo ng limang irrigation project na bago, katatapos lang nito, new areas. [Mayroong tayong 908 hectares na service area para sa proyektong] patubig. Nagkakahalaga ito ng 201 million pesos na mabebenepisyuhan ang 166 farmers natin,” ayon kay Cervantes.
Maliban dito, ang ahensya ay magkakaloob din ng 8.4 milyong pisong subsidiya sa kabuuang 8,275 magsasaka sa lalawigan.
“Magbibigay tayo ng operation subsidy. Ito yung kapag nakapagtanim ang mga magsasaka nu’ng last dry season, [mayroon] silang P500 per hectare as subsidy, tulong sa kanila kaya magbibigay tayo ng 8.4 million pesos ngayon.
‘Yung nataniman nila last dry season kulang-kulang 17,000 hectares. [Mayroong] 8,275 farmers [na mabebenepisyuhan nito],” dagdag pa ni Cervantes.
Inanunsyo naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mayroong mahigit P500 milyon na ipapamahaging Certificate of Condonation and Exemption sa mga land owners sa ilalim ng National Communal Irrigation System upang hindi na alalahanin pa ang mga utang at bayarin sa NIA.
Ani Cervantes, 3,532 magsasaka na mayroong kabuuang 8,439 hectares ang nakapag-apply na para sa condonation.
“Pero marami pa tayong mga kasamahang magsasaka na hindi pa pumupunta sa opisina. Hindi pa nag-a-apply ng condonation kaya sana ‘yung iba pumunta sa opisina para ma-condone ‘yung pagkakautang nila, kasi may pipirmahan din sila sa finance natin,” aniya pa.
Samantala, ilan lamang sa mga ahensya ng gobyerno ang National Irrigation Administration (NIA) ang dinala ni PBBM at ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez sa nakaraang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka’t mangingisda sa lalawigan ng Palawan sa ilalim ng programang Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks and Families (PAFFF) na ipinamahagi sa humigit-kumulang limanlibong benepisyaryo na lubos na naapektuhan ng El Niño nitong nakalipas na mga buwan.