Kinuwestyon nina Provincial Board members Ma. Angela Sabando, Nieves Rosento, at Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) at Ex-officio member Arnel Abrina ang diumano’y hindi pantay-pantay na budget distribution sa kani-kanilang mga tanggapan.

Sa privilege speech ni Sabando, nais niyang malaman ang naging batayan ni Bise Gobernador Leoncio N. Ola bilang Committee Chair on Appropriations sa pag-apruba at alokasyon ng pondo sa bawat tanggapan at komite ng mga board members ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.

“Nais ko pong malaman kung ang mga numerong ito ay totoo at siyang ipatutupad ng Tanggapan ng Bise Gobernador sapagkat siya po ang nabigyan ng kapangyarihan ng batas upang pamunuan ang Sangguniang Panlalawigan,” ani Sabando.

Aniya, taliwas ito sa naging kautusan ni Gobernador Dennis Socrates na magkaroon ng pantay-pantay na pondo ang bawat bokal para sa kani-kanilang mga proyekto at gastusin ng opisina.

Sa nakuhang kopya ng

Repetek News

, makikitang ₱200,000 budget lamang ang inilaan sa opisina ng mga kaalyado ni Socrates na sina Sabando, Rosento, at Abrina, habang 1.5 milyong piso naman ang inilaan sa ibang bokal ng mayorya.

Maliban dito, kinuwestiyon din ang budget allocation na nakuha ng tanggapan ni 1st District Board Member Anton Alvarez. Kabuuang 8.2 milyong pisong annual budget ang nakuha ng tanggapan ni Alvarez habang tag-dalawang milyong piso ang tanggapan nina Board Members Ryan Maminta, Rafael Ortega Jr., at Roseller Pineda. Tatlong milyong piso naman ang nakuha ng tanggapan ni Palawan Barangay League President Ferdinand Zaballa.

Makikita rin sa kopya na walang alokasyon ng pondo o zero budget ang tanggapan ng bise gobernador.

Batay sa Provincial Ordinance No. 3545, kabuuang ₱26.8 milyones ang inaprubahang supplemental budget ng mga miyembro ng Provincial Board.