Photo courtesy | Samuel Macmac

KASALUKUYANG nagsasagawa ang Department of Education (DepEd) Central Office ng imbestigasyon tungkol sa umano’y pagkakaroon ng ghost students sa ilalim ng Senior High School (SHS) Voucher Program sa 12 pribadong paaralan sa siyam (9) na dibisyon sa bansa.

Ayon sa Kagawaran, maaaring matanggal sa partisipasyon ang mga pribadong paaralan sa Senior High School Voucher Program kung matutukoy ang mga tauhan at opisyal ng sinisiyasat na mga paaralan na posibleng sangkot sa nasabing pandaraya.

Agarang umaksyon ang Kagawaran upang mapanatili ang integridad ng pondo at implementasyon ng programa, na alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa isinusulong na transparency at accountability.

Binigyang-diin ni DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” M. Angara na hindi palalampasin ang anumang uri ng maling paggamit ng pampublikong pondo na nakalaan para sa mga mahahalagang programa.

Iginiit din ng Kalihim na isa itong seryosong paratang na kinakailangan ng imbestigasyon upang malaman ang katotohanan at mapanagot ang mga may sala.

Kaugnay nito, pinaghahandaan na rin ang maaaring pagkakatanggal ng akreditasyon ng mga sangkot na paaralan at pangangalap ng mga ebidensya laban sa mga sangkot na indibidwal na kung saan possibleng maparusahan.

Pagtitiyak naman ng Kagawaran para sa mga apektadong lihitimong estudyante na pagkakalooban ang mga ito ng kinakailangang tulong at sinisugurong magpapatuloy ang kanilang edukasyon nang walang abala.

Hinihikayat naman ang publiko na isumbong ang anumang iregularidad na may kinalaman sa implementasyon ng kanilang programa sa [email protected] habang mas palalakasin naman ang monitoring mechanisms upang maiwasan ang mga katulad na inisidente sa hinaharap.

Author