PUERTO PRINCESA—Mag-ingat sa sakit na Human Metapneumovirus (HMPV), ito ang panawagan ng Palawan Provincial Health Office (PHO) sa mga Palaweño.
Ayon sa ahensiya, ang nasabing sakit ay isang uri ng respiratory virus na nagdudulot ng impeksyon sa respiratory system ng tao na karaniwang tumatama sa mga bata, sanggol, matatanda, at mga taong may mahinang immune system.
Maaaring magdulot ang sakit ng mild infection sa upper at lower respiratory tract lalo na sa mga sanggol at bata.
Ang mga karaniwang sintomas nito ay ubo, sipon, lagnat, pananakit ng ulo at lalamunan, at panghihina ng katawan.
Makikita ang nasabing mga sintomas sa loob ng tatlo (3) hanggang anim (6) na araw matapos ma-expose sa isang taong mayroong ganitong impeksyon.
Maaari namang mauwi ang HMPV sa mas seryosong kondisyon kung ito ay mapababayaan tulad ng severe bronchiolitis at pneumonia na maaaring magresulta sa pagkamatay.
Dahil dito, pinapayuhan ng Provincial Health Office ang mga Palaweño na ugaliin ang palaging paghuhugas ng kamay, magtakip ng bibig kapag umuubo o bumabahing, iwasan ang skin-to-skin contact, at magpakonsulta agad sa doktor kung sakaling nakararanas ng mga kahalintulad na sintomas.