Photo courtesy | Ospital ng Palawan

PUERTO PRINCESA—Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan sa kanilang unang sesyon ngayong 2025 ang panukalang pondo na mahigit P5.3 bilyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Sa panayam ng lokal na midya kay Board Member Nieves Rosento, malaking porsiyento nito ay mapupunta sa hospital services na sinusundan ng social services.

“Approved na po kanina [sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan]. Pasalamat din tayo as early ay na-move at na-approve itong ating almost P5.3 billion budget for 2025.

Pinakamalaki pa rin talaga ‘yung ating mga hospital services. Pangalawa, ang social services kasi napansin din natin na talagang kailangan na dagdagan din ‘yung support. Maganda naman ang naging aming talakayan kanina sa komite regarding this budget,” ani Rosento.

Paliwanag pa ng bokal, ang pondo ng Palawan ngayong taon ay hindi agad naaprubahan bago magtapos ang taong 2024 dahil mayroon pang mga usapin sa lebel ng komite na hindi natalakay.

“I think mayroong mga dapat pag-usapan sa committee level na hindi nagawa which is kanina nagawa naman natin ‘yun bago nag-start kami ng session. Eventually, may mga tinanggal doon sa ilang executive budget pero valid naman at inilagay sa ibang appropriation which is natuwa rin naman kami dahil ito ay inilagay [r]oon sa malimit na problema natin sa hospital.

Ang ating hospital operations ay kumpleto ang pondo for this year 2025. ‘Yun ang ilang mga provisions,” dagdag pa nito.

Aniya, kabilang naman sa inalisan ng pondo ang Calauit Sanctuary matapos mag-isyu ng kautusan ang korte suprema na ito ay ibinabalik na sa mga katutubo.

“[Mayroon] sanang mga enhancement supposed to be na pondong ilalagay [r]oon na P37-M, ito ay tinanggal natin at inilipat dahil sa usapin ng lupa which is valid naman lahat during our committee hearing,” paliwanag pa ni Rosento.

Positibo naman ang opisyal na magiging maayos ang implementasyon ng mga programa at proyekto sa ilalim ng annual budget dahil inaasahang magbebenepisyo nito ang mga sektor ng agrikultura, kababaihan, lalo’t higit sa kalusugan.